Tuesday, October 31, 2023



Kwento ng Eleksyon at Pag-asa

Ni: Susana Dolorian


Barangay eleksyon naganap na maayos,

Suporta at tiwala sa kandidato'y ibinuhos

Binigyan pansin mga taong tapat at hindi bastos

Bagamat may hindi pinalad ito'y tinanggap ng lubos


Ngayo'y mga lider, mga boses ng masa

Ang mga naihalal, tungkulin ay kanilang dala

Sa paglilingkod at pag-asa, sa kanila ay magmumula,

Nawa'y maging tapat at may isang salita


Magsisilbing mga lider sa mamamayan

Uupo sa posisyon at mamumuno sa samahan

Ang bawat guso't ay kanilang pupunan

Mga tao'y sila ang aasahan, barangay kanilang gagabayan


Sa inyong panunungkulan naway di magbulag-bulagan

Kayo'y makinig at hindi magbingi-bingihan

Pagbigyan ang mga bawat kahilingan

Hindi nawa umusbong ang palakasan, sapagkat kayo ang inasahan

Karera ng Buhay


 

Karera ng BuhayN

i: Susana Dolorian 

        Ang buhay ay parang gulong na patuloy ang pag-ikot, hindi natin madidiktahan ang bawat galaw, kung kaya’t maaaring isang araw ay wala na tayo sa ibabaw. Ngunit ang mahalaga ay patuloy tayong umuusad at nananatiling nangangarap. Sapagkat sabi nga nila, “Hindi lahat swerte ay nakaayon sa atin, anuman ang dumating ay tanggapin”. Patunay na ang buhay ay hindi lamang umiikot sa sarap, minsan ay kinakailangan din ang hirap upang matuto tayong humarap sa hamon ng buhay. Ang bawat pagsubok ay kusang darating, pilit man natin itong iwasan ay tutuloy pa rin. Dahil sa huli, ito ang magpapatatag sa mahinang loob natin. Magsisilbing batayan sa huli at magiging tanda ng hindi pagsuko. Ang buhay ay bindi patas at ito’y mapanubok, ang sinomang mahina ay talo sa larong ito.

        Naaalala ko pa, ako’y limang taong gulang pa lamang ay mulat na sa hirap ng buhay. Saksi sa bawat pagsubok na kinaharap ng aking pamilya. Naging magulo at tila ba ang buhay ng bawat isa ay naging bangin na badya lamang na sa isang pagkakamaling hakbang ay maaaring ikapahamak. Sa murang edad ay natuto akong makisabay sa agos ng buhay. Sampung taong gulang ay naging madiskarte at gumawa ng paraan upang matugunan ang ibang pangangailangan. Bagamat musmos pa ay hindi ito naging hadlang upang magbulag-bulagan lalo na’t batid kong kinakailangan kong lumaban. Pagtungtong ko ng labing-walong taong gulang, ganap na dalaga at higit na bukas ang isip sa bawat pagsubok sa buhay. Naging matatag at hinarap ang bawat pagsubok na aking dinaanan. Gayunpaman, laking pasasalamat ko sapagkat ang bawat hamon na aking hinarap ay nagsilbing aral at dahilan upang mas lalo akong maging matapang sa buhay. Ngayon, ako ay dalawampung taong gulang na at patuloy na lumalaban, batid kong ang aking nararanasan ay wala pa sa kalahati na maaari kong harapin. Malayo pa man sa buhay na punong-puno ng mga problema na siyang hahamon sa akin, inihanda ko ang aking sarili sa mga pagsubok na maaari kong ikalugmok kung sakaling ako'y magiging mahina.

        Sa kursong tinatahak ko sa kasalukuyan ay dama ko ang hirap ng buhay. Hindi mawawala ang pagod, kawalan ng pag-asa at pagbabadyang sumuko, ngunit sa huli ay nauuwi pa rin sa sariling paraan upang patibayin ang loob. Tunay na sarili lamang natin ang makakatulong sa atin. Tayo man ay humarap sa malaking  pagsubok, isipin natin na mas tibayan ang loob at itatak sa isipan na ang bawat nangyayari ay may dahilan.

Sunday, October 29, 2023

Wika at Komunikasyon: Ang Pagsasalita Bilang Susi sa Maayos na Ugnayan at Pag-unlad ng Indibidwal.


 

Wika at Komunikasyon: Ang Pagsasalita Bilang Susi sa Maayos na Ugnayan at Pag-unlad ng Indibidwal

Ni: Susana Dolorian 


          Ang pagsasalita ay isang pamamaraan upang ilabas ang nais na sabihin o ipabatid ng isang tao. Maaaring sa iba, ito'y simpleng pagbuka lamang ng bibig at pagbulalas ng nais sabihin. Gayunpaman, sa pagiging mahusay na mananalita, lubos na mahalagang unawain ang kapangyarihan ng wika at ang kahalagahan nito sa ating buhay. Ang pagsasalita ay hindi lamang isang simpleng paraan ng paglabas ng tunog kundi isang paraan din ng paghahatid ng kaisipan, damdamin, at impormasyon na may kaayusan at akma sa nais iparating ng tagapagsalita. 

          Ang isang taong may katatasan sa pagsasalita ay isinasaalang-alang ang iba't ibang kasanayan upang maging epektibo at katanggap-tanggap. Isang mahalagang katangian ng isang mahusay na tagapagsalita ay ang kasanayan sa gramatika. Ang wastong paggamit ng mga salita, tono, at estruktura ng pangungusap ay nagbibigay-linaw sa mensahe. Mahalaga ring maging bukas sa pagtanggap ng mga pagkukulang sa ating wika upang mapaunlad ito. Ang kakulangan sa bokabularyo na siyang bahagi rin ng kasanayang pangwika ay kinakailangang pagtuonan ng pansin. Ang pagkakaroon ng malawak na bokabularyo ay nagbubukas ng mga pintuan ng kaalaman at pag-unawa. Sa kabilang banda, hindi lamang sa tamang paggamit ng wika umiikot ang katatasan sa pagsasalita. Mahalaga rin ang kakayahang maipahayag ang sariling opinyon at damdamin sa maayos at maipapaliwanag na paraan. Ang pagiging malikhain sa paglikha ng mga pahayag at argumento ay nagbibigay buhay sa komunikasyon. Ang pakikinig ay kaakibat din ng pagsasalita, lubos na mahalang naunawaan mo ang isang mensahe bago mo ito sagutin upang maging maayos ang daloy ng komunikasyon. 

          Sa huli, ang pagiging mahusay sa pagsasalita ay hindi lamang tungkol sa pagpapahayag. Ito ay may kaakibat na pagkakaroon ng respeto at pag-aalaga sa ating kapwa. Ang responsableng paggamit ng wika ay nagbubukas ng pintuan sa mas mabuting pakikipagugnayan sa ating lipunan. Bilang isang mag-aaral at isang mamamayan mahalagang maunawaan ang mga bagay na isinasaalang-alang sa pagiging matatas na tagapagsalita at epektibong tagapakinig. Ito ang magsisilbing gabay sa bawat araw na pakikisalamuha at patuloy na pagunlad bilang isang indibidwal. 

Pagsusuri sa mga Salitang Ginagamit sa Peysbuk

 


Pagsusuri sa mga Salitang Ginagamit sa Peysbuk

Ni: Susana Dolorian 

          Ayon sa karamihan ang sosyal midya ay nakatutulong upang magkaroon tayo ng ugnayan sa mga taong nasa malayong lugar. Nagunguna sa usaping ito ang peybuk bilang isa sa mga pangunahing kagamitan upang mapanatili ang koneksyon sa pagitang ng magkalayong tao. Sa kasalukuyan, ito rin ay patok na patok sa mga kabataan maging sa mga matatanda sapagkat maraming bagay ang maaaring maidulot ng paggamit ng peysbuk. Ito ay libre sa kung sino man na may nais gumamit, ang app na ito ay inilunsad ni Mark Zuckerberg at kasalukuyan ginagamit ng milyong tao. 

          Ang mga Pilipino ay may higit na apat na raan na dayalekto na ginagamit sa kapuluan kung kaya't alinman sa maaari nating makasalamuha sa peysbuk ay maaaring magkaroon ng hindi pagkakaintindihan. Ngunit dahil sa iisang wika ang daluyan ng pagkakaunawaan at mapapansin na bagamat hindi ito ang unang wika ng ilan ay ito na rin ang nagiging wika na ginagamit sa peysbuk. Ang wikang Filipino ay sentro sa pagkakaroon ng ugnayan ng mga tao sa bansang Pilipinas, ang bawat salita na ating mababasa sa peysbuk ay nasa anyong Filipino. At sa patuloy na pagbabago ng henerasyon, sa kasalukuyan ay mayroon tayong tinatawag na Gen Z kung kaya't nadaragdagan ang mga salita at naiimbento ang mga salitang bago sa ating pandinig ngunit patok at tinatangkilik. Karaniwang mababasa sa peysbuk ang mga salitang binaliktad kagaya ng salita "lodi" na ang ibig-sabihin ay idol, mga pinaikling salita kagaya ng "sml" o share mo lang. Gamit ang mga salitang ito ay nakabubuo ng isang komunikasyon ang bawat isa at nagkakaroon din naman ng mga kaalaman ang mga taong nababasa ito. At dahil sa kasalukuyan ay maraming kabataan ang mas pinipiling gugulin ang oras sa paggamit ng peysbuk mapapansin na ang mga salita bagamat ay pansamantala lamang, ito ay nadaragdagan at nagiging patunay na ang bawat Pilipino ay likas na malikot ang isip at malikhain sa paggawa. Sa usaping ito, masasabi na ang paggamit ng peysbuk ay mayroon din kabutihang dala sa masa lalo na bilang epekto sa ating wika. Sa pamamagitan ng mga pagbabahagi ay napapalawak ang ating bokabularyo at patuloy na tinatangkilik ang sariling wika ng mga kabataan kung kaya't nananatili itong buhay at umuunlad. 

          Iba't iba ang dulot sa atin ng paggamit ng mga sosyal midya at tanging tayo lamang ang may desisyon sa kung paano natin ito gagamitin. Hindi maiiwasan na magkaroon ito ng negatibong epekto kung kaya't nararapat lamang na alam natin ang ating limitasyon sa paggamit nito. Mahalagang alam natin ang mga dapat at hindi dapat upang maging makabuluhan ang paggamit ng mga ito sa halip na maging isang kapahamakan sa atin. Gayunpaman dahil ang wikang Pilipino ay patuloy na umuunlad sa paraan na ito, bilang isang mamamayang Pilipino ay nararapat lamang na yakapin at tangkilikin natin ito kahit sa simpleng paraan lamang. 

Edukasyon Susi sa Tagumpay


 Edukasyon Susi sa Tagumpay 

Ni: Dolorian, Susana A.

      Edukasyon ang susi ng tagumpay, ito ang mga kataga na lagi natin naririnig. Daan sa maayos na buhay, at magagamit saan man maglakbay. Mga katagang kung lubos na uunawain ay hindi lamang patungkol sa pag-aaral na maaaring magwakas sa simpleng pagakyat sa entablado suot ang itim na toga na siyang pangarap ng karamihan. Ang edukasyon ay malalim kung sisisirin ngunit itoy hindi basta basta mananakaw ng kung sinoman sa atin.

      Mula pagtungtong ko sa Elementarya batid kong mahabang tulay pa ang aking tatahakin. Nakakabagot, nakakapagod dahil sa araw araw ay puro pag-aaral ang ginagawa. Ngunit ano nga ba ang magagawa ng isang musmos na bata lalo na't batid nitong ang patpat ng ama ay laging nakahanda. Kaya naman nagpatuloy at habang nagkakaedad ay doon ko unti unting napapagtanto ang kahusayaang dulot ng may dala dalang kaalaman. Hindi ito upang gamitin sa yabangan sa halip ay upang ibahagi sa ilan. Ang edukasyon na naipagkait sa iba, kagaya ng aking magulang. Sabi nga nila, ang swerte ng mga bata ngayon sapagkat nararanasan nila ang alwan ng buhay na hindi namin naranasan noon. Ito ang nakakalungkot na katagang narinig ko mula sa aking magulang, talaga nga namang hindi patas ang mundo. Hindi natin maipagkakaila na ang edukasyon na inaasam ng iba ay minsan na natin hindi pinahalagahan, hiniling na sana ay wala nalang. Lingid sa ating kaalaman na may mga taong lubos itong inaasam ngunit walang kakayahan. Kaya naman sa pagsapit ko ng Sekundarya, lubos akong nalinawan, buo ang loob na harapin ang hamon ng buhay at ipagpatuloy ang aking nasimulan sa edukasyon na susi ng aking pangarap at paghubog bilang isang mamamayan sa bansang aking kinatatayuan. Ayon nga sa isang artikulo ni Frank C. Laubach, noong 1960, ibinahagi niya ang pangkalahatang pananaw ng ating bayaning si Jose Rizal patungkol sa edukasyon, "Ang pag-asa ng bansa ay nakasalalay sa edukasyon." Patunay na edukasyon ang nagsisilbing haligi ng ating bansa, gamit ang kaalaman at pagkakaisa ay umuunlad at patuloy na naglilingkod. At ngayon ako ay nasa antas ng kolehiyo, kaunting pagsisikap pa at matatapos na. Aakyat sa entablado suot ang itim na toga habang hawak ang kamay ni ama at ina. Ngunit hindi doon magtatapos ang lahat sapagkat magsisilbi pa lamang itong susi at tatahakin ko pang muli ang bawat pinto para sa pangarap na nais kong makamtan.

      Tunay na ang Edukasyon ay susi sa pagkamit ng pangarap ng bawat isa. Nagsisilbing patunay ang mga taong ating hinahangaan kagaya ng guro, doktor at iba pa. Wala itong malapit na daan upang ating agad mapuntahan, tayo ay dadaan sa hirap ngunit may dala dalang panibagong kaalaman upang sa pagbukas ng panibagong pinto ay tayo'y handa. Itanim natin sa ating isipan na ang lahat ng pagkakataon na mayroon tayo ay bihira lamang, kaya't huwag natin itong sayangin sa halip ay paunlarin at gamitin.

Mundo ng Palakasan

Mundo ng Palakasan
Ni: Susana Dolorian 

       
 Pagkakaisa ng bawat pangkat
Ito'y madalas ipagdiwang ng lahat
Bida ang bawat isa, lahat ay angat
Kompetisyon man ngunit kailangang tapat

Ito'y simbolo ng pagkaPilipino
Bawat isa ay masayang dumalo
Bumuhos ang suporta sa bawat partido
Bakas ang saya manalo man o matalo

Hindi ito padamihan ng panalo
Bagkus ay ipagdiwang ang pagkakaisa ng mga Pilipino
Sa larangan ng sport lahat ay may talento
Isiwalat natin sapagkat ito'y hindi dapat itago

Minsan lamang kung dumaan at ipagdiwang
Lingid sa ating kaalaman ito'y mabuting daan
Bilang nagkakaisa kahit sa paraan ng palakasan
Tunay na dapat pagtuunan ng pansin at panatilihin

Tuesday, October 17, 2023

Tanging Yama



 Tanging Yaman

Ni: Susana A. Dolorian


Unang pagmulat nitong aking mga mata

Saksi ko galak na kanilang nadama

Nanghihina ma'y halos di alintana

Ni Inang siyam na buwan ako'y dala


Itong si Ama na kaagapay ni Ina

Salamat sa kaniya kami'y inaruga

Pagmamahal at kalinga alay niya

Dakilang tunay haligi ng pamilya


Sa tahanang puno ng initing yakap

Kasama sila sa saya man o hirap

Di nawala araw ma'y puno ng saklap

Di matatawaran init na pagtanggap


Paglalakbay puno ng pagmamahalan

Ang bawat isa ang nagsilbing sandalan

Kung minsan ma'y di maiwasan alitan

Sa huli'y nauuwi rin sa yakapan

Kwento ng Eleksyon at Pag-asa Ni: Susana Dolorian Barangay eleksyon naganap na maayos, Suporta at tiwala sa kandidato'y ibinuhos Binigya...